ABANTE TONITE (April 30, 2006)
Marky, tanggap ang panlalait sa itsura niya
Late si Marky Cielo sa presscon ng bago niyang show sa GMA na Fantastikids pero hindi raw totong nagbago na siya’t lumaki na ang kanyang ulo, sa katunayan ay umalis siya agad sa taping ng SiS kahit hindi pa ito tapos para makapunta na siya sa presscon.
Hindi raw alam ni Marky kung kaya na niyang magdala ng sarili niyang show pero masaya raw siya at flattered na pinagkakatiwalaan siya ng Kapuso network.
Kabado man siya at pressured sa Fantastikids (kung saan gumaganap siya sa papel ng bidang si Daniel na may superpowers na nagmumula sa isang mahiwagang celfone) ay kailangan daw pangatawanan niya ang kanyang titulo bilang StarStruck 3 Ultimate Sole Survivor.
Aminado ang Igorot boy na problema pa rin niya ang pagba-buckle sa pagde-deliver niya ng mga dayalog pero lagi raw niyang binibigay ang best niya sa bawat pagganap niya.
Aware rin siyang may mga nanlalait sa acting niya (lalo na sa Encantadia) kaya raw ginagawa niya ang lahat para ma-improve pa ang pag-arte niya.
"Kung hindi po maganda ang comment nila sa akin, wala akong magagawa, kasi, comment nila ‘yun, eh! Tatanggapin ko po ‘yon, pero pipilitin kong i-improve ang sarili ko. I always do my best at saka pinag-aaralan ko po ‘yung mga ginawa kong trabaho para alam ko kung saan ko pa dapat pagbutihin," sey ng 17-anyos na binata.
Hindi rin daw nao-offend si Marky sa sinasabi ng iba na kesyo hindi siya gwapo at marami pang iba na mas mukhang artista kesa sa kanya.
"Tanggap ko na po ‘yon, eh! Huwag mo nang sabihing pangit, okey na ‘yung hindi gwapo! He He He!
"Basta ako, nag-e-enjoy ako rito ngayon sa showbiz kaya hindi na lang ako magpapaapekto, di ba?" nakangiting pakli niya.
Ang lamang daw siguro niya sa iba kahit hindi siya guwapo ay meron siyang talent at alam niyang pag-aralan at gamitin kung anong meron siya.
Proud din daw siya sa kanyang ugali dahil kahit kanino ay marunong siyang makisama.
Nagwakas na ang Encantadia pero tatlo pa rin ang shows ni Marky dahil sa Fantastikids (ang dalawa pa ay Love to Love at SOP Gigsters).
Hindi raw siya naiinggit kahit lamang sa kanya ang StarStruck 3 Avenger na si Chuck Allie na lima ang shows (Love to Love, SOP Gigsters at Now & Forever sa GMA, Fans Kita at Family Zoo sa QTV-11) dahil pana-panahon daw ‘yon.
Isa pa, pagkatapos daw ng StarStruck ay back to zero na silang lahat kaya kanya-kanya nang diskarte.
Happy si Marky sa loveteam nila ni Jackie Rice pero hindi raw niya nililigawan ang dalaga. Mas nasasanay na raw sila sa isa’t isa at mas nagiging close pero nasa level ng magkaibigan at magkapatid pa lang daw ang turingan nila. Maganda raw at mabait si Jackie pero hindi niya masagot nang diretso kung type niya itong maging girlfriend.
Isang bagong kotse at celfone pa lang daw ang nabili ni Mark mula sa napanalunan niyang premyo sa StarStruck, ang natira raw ay itinago niya lahat sa banko.
***
